‘My son didn't commit suicide’ – Toni Rose Gayda

‘My son didn't commit suicide’ – Toni Rose Gayda
03/20/2010 | 06:17 PM

Pinabulaanan ng television host na si Toni Rose Gayda nitong Sabado ang mga espekulasyon na nagpakamatay ang kanyang 25 anyos na anak na si James Lim.

Nahulog si James mula sa ika-apat na palapag ng kanilang condominium sa Wack-Wack Road, Mandaluyong City madaling-araw nitong Biyernes.

“Ba’t ka naman pipili ng 4th floor kung alam mong mababalian ka lang (ng buto) ‘di ba? Siyempre kung ano, umakyat siya ng roof top, eh may roof top naman kami kung talagang balak n’ya ganun," pahayag ni Toni Rose sa panayam ng QTV 11.

Ayon kay Toni Rose, posibleng nawalan ng balanse ang kanyang anak nang manigarilyo sa maliit na balkunahe sa kuwarto nito. Pinagbawalan daw ng host/actress ang anak na manigarilyo sa kuwarto nito.




“Siguro tinamad bumaba o tinamad lumabas, binuksan n’ya yung window n’ya kasi may balcony na maliit, siguro dun tumayo," kuwento ni Toni Rose.

Nakausap pa raw niya ang anak nang isugod sa ospital. Idinaing daw ng anak ang sakit na nararamdaman nito sanhi ng pagkakahulog.

Hindi na umano kinaya ng katawan ni James ang internal bleeding sanhi ng aksidente. Nadurog din daw ang atay nito matapos maipit sa nabaling tadyang.

Inamin ni Toni Rose na may pagsisisi siyang nararamdaman dahil sa ginawang pagbabawal sa anak na manigarilyo sa kuwarto.

Sa kabila ng kalungkutan, sinabi ng actress at host na pilit niyang pinapagaang ang kanyang kalooban dahil batid niyang malapit umano ang kanyang anak sa Diyos.

“I look at it this way, alam ko yung relasyon niya sa Diyos. Alam ko he's a very prayerful boy. Masakit, sobrang sakit, pero may peace ako. Alam ko nandun na siya sa Panginoon," ayon kay Toni Rose.

Nakalagak ang mga abo ni James sa Santuario de San Jose sa Greenhills, San Juan City.

Dumating na doon ang ilang malalapit na kaibigan ni Toni Rose kabilang ang mga katrabaho niya sa Eat Bulaga. - FRJ, GMANews.TV

0 comments: